BILI NA PO KAYO NG AKING LIBRETO
Nabubuhay ako bilang manunulat.
Bili na po kayo ng munti kong aklat.
Bagamat mura lang, paksa'y mabibigat,
ngunit kung basahin, sa lupà ay lapat.
Pag nasalubong mo ako sa lansangan
kalabitin ako't sabihang pagbilhan
ng anumang dalang libreto saanman,
o aking ilatag sa dinadaluhan.
Pag nakabili ka ng munti kong libro
ay isang araw pang mabubuhay ako.
Maraming salamat sa suporta ninyo
sa aklat ng abang lingkod na totoo.
Bisyo ko'y magsulat, kumatha, tumulâ
ng maraming paksang nagmula sa madlâ.
Araw-araw, gabi-gabi mang tulalâ
gagawin ang lahat upang makaakdâ.
Tulâ, kwento, dagli, pabula't sanaysay
pinagsisikapan at pinaghuhusay.
Taos pasalamat ang tangi kong alay
sa sumusuporta. Mabuhay! Mabuhay!
- gregoriovbituinjr.
09.04.2026

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento