Litrato kuha sa book launching ng "1 Xiao Time, Mga Dakilang Pilipino" sa HistoEx (History to Experience) sa Gateway 2, Cubao, QC, Agosto 3, 2025.
Litrato kuha sa Bantayog ng mga Bayani, Oktubre 22, 2022, sa aktibidad na Balik-Alindog Bantayog.
SI PROF. XIAO CHUA AT AKO
Mabuti't natatandaan pa ako ng historyan na si Prof. Michael Charleston "Xiao" Chua nang makabili ako ng aklat niyang "1 Xiao Time, Mga Dakilang Pilipino" sa HistoEx (History to Experience) sa Gateway 2 sa Cubao. Natandaan niya ako dahil isinulat niya ang dedikasyon sa aking pangalan.
3 Agosto 2025
Para kay Greg Bituin,
Bayani ng kalikasan!
Xiao Chua
Nakatutuwa dahil isinulat niya roon ang "Bayani ng kalikasan!" na ibig sabihin, tanda niya na naging magkatabi kami sa upuan noong 2016 nang dumating dito sa Pilipinas si dating US Vice President Al Gore para sa tatlong araw na Climate Reality training. Dinaluhan din iyon ng aking namayapang asawang si Liberty, na di ko pa asawa noong panahong iyon. Naganap iyon sa Sofitel sa Lungsod Pasay noong Marso 14-16, 2016. Nakabili noon si Prof. Xiao ng dalawa kong aklat, ang "Sa Bawat Hakbang, Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban" na katipunan ng mga tula sa paglalakad mula Luneta hanggang Tacloban noong bago mag-unang anibersaryo ng super typhoon Yolanda, at ang aklat ko ng mga sanaysay na may pamagat na "Ang Mundo sa Kalan". Dalawang aklat hinggil sa kalikasan.
Kaytindi ng memorya o photographic memory ni Prof. Xiao, pagkat siyam na taon makalipas ay tanda pa niya ako kaya may mensaheng 'Bayani ng kalikasan!' Mga kataga itong ngayon ay nagsisilbing isnpirasyon ko kaya nagpapatuloy ako sa pagtataguyod ng pagprotekta sa kalikasan at pagiging aktibo sa mga organisasyong makakalikasan, tulad ng Green Convergence, SALIKA (Saniblakas ng Inang Kalikasan) at PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ). Siya pa lang ang nagtaguri sa akin ng ganyan mula pa nang maging aktibo ako sa kilusang maka-kalikasan o environment movement noong 1995 dahil sa imbitasyon ni Roy Cabonegro, environmentalist na tumakbong pagka-Senador ng Halalang 2022 at 2025. Opo, makalipas ang tatlumpung taon. Maraming salamat, Prof. Xiao.
Ikalawang pagtatagpo namin ni Prof. Xiao Chua ay noong Oktubre 22, 2022 sa Bantayog ng mga Bayani kung saan maraming boluntaryo ang naglinis doon sa panawagang Balik-Alindog, Bantayog, at nabigyan ako roon ng t-shirt. Nakabili rin siya ng aklat ko ng saliksik ng mga tula at akdang Liwanag at Dilim ni Gat Emilio Jacinto, na matalik na kasama ni Gat Andres Bonifacio sa Katipunan, aklat na 101 Tula, at dalawang isyu ng pahayagang Taliba ng Maralita ng samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).
Ikatlong pagtatagpo, ako naman ang bumili ng libro niyang "1 Xiao Time, Mga Dakilang Pilipino". Naganap iyon sa launching ng kanyang aklat sa booth ng Philippine Historical Association (PHA) sa Gateway 2, Araneta Center sa Cubao, Lungsod Quezon noong Agosto 3, 2025. Bumili rin ako roon ng kanilang mug o tasa para sa kape na may tatak na Philippine Historical Association (PHA) na siya kong ginagamit ngayon habang nagsusulat.
Mabuhay ka at maraming salamat, Prof. Xiao Chua!





Walang komento:
Mag-post ng isang Komento