Sabado, Hulyo 19, 2025

Di nangangamuhan ang pagtula

DI NANGANGAMUHAN ANG PAGTULA

di nangangamuhan ang pagtula
aniko sa kilalang binata
na nais tulungan akong kusa
upang magkapera bawat tula

mangamuhan daw sa pulitiko
pagandahin ang imahe nito
ang aking pagtula'y gamitin ko
upang nasabing trapo'y bumango

nang magkapera'y mangamuhan nga?
ngunit may prinsipyo ang makata
dukha man ay makatang malaya
malayang pasya sa isyu't paksa

ngunit kailangan ko ng sahod
buhayin ang sarili't kumayod
ngunit pagkatao'y di luluhod
sa trapong sistema ang taguyod

ayoko nang aapak-apakan
ayokong tula'y niyuyurakan
di baleng lugmok sa kahirapan
huwag lang mapagsamantalahan

- gregoriovbituinjr.
07.19.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nakakapagod mang magsulat

NAKAKAPAGOD MANG MAGSULAT nakakapagod mang magsulat gagawin ko pa rin ang lahat ng kaya kahit anong bigat upang magsulat at magmulat ako man...