AGAAS
Una Pahalang: Hanging palay-palay
Pababa muna'y aking sinagutan
"palay-palay"? di ako mapalagay
at AGAAS ang salitang lumitaw
tiningnan ko sa talasalitaan
na sa diksyunaryo ang kahulugan
ay "mahina at banayad na hangin"
lumang salita, bagong kaalaman
bilang makata, nais ibahagi
ng inyong lingkod ang salitang mithi
pangkalikasang sa pisngi pagdampi
ay gamitin sa tula, kwento't dagli
naramdaman ko ang mga agaas
sa balahibo'y nagpatindig agad
baka may alaala't namamalas
na sa paghimbing mamaya'y bubungad
- gregoriovbituinjr.
07.29.2025
* palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 29, 2025, pahina 11
* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 16
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento