TULAD NG DATI, 49 NA ARAW NA SA OSPITAL
sa nagdaang taon, apatnapu't siyam na araw
kami sa ospital, panahong kami'y makalabas
subalit ngayon, pang-apatnapu't siyam na araw
na namin sa ospital, ngunit di pa makalabas
sapagkat patuloy pa ang gamutan, patuloy pa
higit isang buwan nang sa ospital nakatira
di naman ako doktor o nars, bantay lang talaga
kay misis, tila amoy ko na'y amoy medisina
patagal nang patagal ay pamahal ng pamahal
ang dapat bayaran sa pinagkanlungang ospital
mag-isip pa lang kung saan kukuha ng pambayad
ay nakatitigagal, ako pa kaya'y tumagal
apatnapu't siyam na araw pag iyong nanilay
ay makabagbag damdaming danas, di mapalagay
binago na ng kanyang karamdaman yaring buhay
na dapat ay sa bayan, ngayon ay sa utang, alay
- gregoriovbituinjr.
05.21.2025
* mula Oktubre 23 hanggang Disyembre 10, 2024 ay nanatili kami sa ospital dahil sa naunang sakit ni misis, at mula Abril 3 hanggang Mayo 21, 2025 ay narito sa ospital nang ma-istrok si misis