Biyernes, Mayo 9, 2025

Saplad at lantod

SAPLAD AT LANTOD

sa diksyunaryong Ingles-Tagalog nakita
na ang salin nitong dam ay prinsa o saplad
nakasalubong muli sa palaisipan
kaya agad nasagutan ang hinahanap

lantod naman ay narinig ko sa probinsya
ni ama, na singkahulugan pala'y landi
kaya sa palaisipan ay madali na
nasagot na nang walang pag-aatubili

mga payak na salita ito kahapon
na nahalukay muli sa matandang balon
ng kaalaman, magagamit muli ngayon
sa mga tula, kwento, sanaysay at layon

pawang salitang di mo sukat akalain
na bigla na lang lilitaw sa harap natin
patunay na walang luma kung gagamitin
tulad ng makatang ang tula'y tulay man din

- gregoriovbituinjr.
05.09.2025

* krosword mula sa pahayagang Bulgar, Mayo 8, 2025, p.9

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tumanog

TUMANOG nagisnan muli'y bagong salita sa palaisipang inihandog nabatid nang sinagutang sadya iyang duwende pala'y tumanog duwende...