Sabado, Marso 1, 2025

Ang nanilay

ANG NANILAY

sa totoo lang ay nais kong huwag nang magising
at masaksihan ang pamimilipit mo sa sakit
ang pinapangarap ko'y tuluyan ka nang gumaling
mawala na ang tuwi-tuwina'y pamimilipit

apektado na rin ang buo kong pangangatawan
na binabalewala ko lang, inuuna kita
nawa'y lumakas ka na't bumuti ang kalusugan
nais kong mawala na ang sakit mong dinurusa

sa ngayon, nilalakasan ko lang ang aking loob
puso ko ma'y lumuluha dahil sa iyong lagay
sa mga gawain man at trabaho, ako'y subsob
naririto pa rin akong sa iyo'y nagbabantay

habang may buhay, may pag-asa, anang matatanda
na payo at gabay sa matagal na pagtalunton
sa daigdig na puno ng talahib na sariwa
upang kumilos pa rin at tuluyang makabangon

- gregoriovbituinjr.
03.01.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang nanilay

ANG NANILAY sa totoo lang ay nais kong huwag nang magising at masaksihan ang pamimilipit mo sa sakit ang pinapangarap ko'y tuluyan ka na...