ANG DRAWING NI MAYAN
pamangking kong nagngangalang Mayan
ay walang makitang masulatan
naghanap sa munti kong aklatan
ng blangkong papel o kwaderno man
nakita niya ang aking libro
drinowingan ang blangkong espasyo
papangit ang aklat, akala ko
di naman pangit, di rin magulo
sa drawing niya, ako'y humanga
sa magandang aklat pa nakatha
sa espasyo ng librong The Nose nga
si Nikolai Gogol ang may-akda
edad siyam pa lang na pamangkin
ay kayhusay na palang mag-drawing
baka balang araw, siya'y maging
painter o artist pagkat kaygaling
ituloy mo, Mayan, ang pangarap
magpursige ka lang at magsikap
sarili'y sanayin mo nang ganap
at magtagumpay sa hinaharap
- gregoriovbituinjr.
01.02.2025
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento