Huwebes, Nobyembre 27, 2025

Tahimik na gawain

TAHIMIK NA GAWAIN

kung di kumikilos sa rali sa lansangan
ay binubuhos ang panahon sa pagtulâ
kung di nagbabasa sa sariling aklatan
ay pinagninilayan ang anumang paksâ

kung di nakikibaka laban sa kurakot
nagpapakain ng mga pusà sa labas
kung di sumisigaw laban sa trapo't buktot
naghahanda ng mga gulay pampalakas

kung di lumalahok sa pagkilos ng dukhâ
nagsasalin naman ng akda't dokumento
kung di isang lider ng grupong maralitâ
maglalakad ako't lilibutin ang mundo

kung di pa mababago ang sistemang bulok
tutok ko'y sa sipnayan o matematika
kung ang dukha'y di pa mailagay sa tuktok
anang kantang Tatsulok, maglalaba muna

- gregoriovbituinjr.
11.27.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nanlaban o di nakalaban?

NANLABAN O DI MAKALABAN? ang sabi, sila'y nanlaban sila ba'y nakapanlaban? o di sila makalaban? pagkat agad binanatan... - gregoriov...