Huwebes, Oktubre 2, 2025

Sa pagitan ng kaarawan at dalamhati

SA PAGITAN NG KAARAWAN AT DALAMHATI

lumuluhà pa rin / ang pusò kong sawi
kahit nagdiriwang / nitong kaarawan
pagkat nawalâ na / ang pagsintang mithi
na tanong ko'y bakit / anong aga naman

idinaraan ko / na lang sa pagkathâ 
ng kwento, pabulâ, / pagtula't sanaysay
ang danas kong lumbay / na di na kailâ
mga tulâ na lang / ang sa mundo'y tulay

sa pagdalamhati't / luha mababakas
ang nararamdaman / ng loob kong ito
wika ng dakilang / makatang Balagtas 
ay nasa pusò pa't / naaalala ko:

"O, pagsintang labis / ng kapangyarihan
Sampung mag-aama'y / iyong nasasaklaw
Pag ikaw ang nasok / sa pusò ninuman
Hahamakin lahat, / masunod ka lamang."

ay, kaya ko pa ba? / sa sarili'y tanong
idinaraan ko / na lang sa pagrali
ang hirap ng loob, / taludtod at saknong 
para sa sinta kong / ngalan ay Liberty

- gregoriovbituinjr
10.02.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Salamat sa mga kasama sa AMKP

SALAMAT SA MGA KASAMA SA AMKP ako'y taospusong nagpapasalamat sa  Alyansa ng Maralita para sa Katiyakan sa Paninirahan , pagkat lider-ma...