WALANG MAKATAONG EBIKSYON AT DEMOLISYON
may makatao nga bang demolisyon
gayong tinanggalan ka ng tahanan
di rin makatao iyang ebiksyon
kung itinaboy sa paninirahan
makatao bang tanggalan ng bahay
ang isang pamilya ng maralita
na walang maayos na hanapbuhay
sila nga'y isang kahig, isang tuka
kahit pa nakatira sa danger zone
ay karapatan ang paninirahan
huwag puwersahin ang demolisyon
ang pagpapasya'y nasa nananahan
di nga raw sila dapat idemolis
kundi pamamaraang makatao
makatao bang ituring kang ipis
o daga gayong mga dukha'y tao
gawaing demolisyon ay malupit
pinilit kayong mawalan ng bahay
ang demolisyon ay nakagagalit
winasak ang tahimik ninyong buhay
- gregoriovbituinjr.
09.30.2025
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento