Lunes, Abril 28, 2025

Pag di na ako nakatula

PAG DI NA AKO NAKATULA

sabi ko sa kanila, pag ako'y di na tumulâ
mag-alala na't baka may nangyari sa makatâ
baka ako'y naospital, patay na, o nawalâ
lalo't adhika ko, bawat araw may tulang kathâ

ngunit sino ba naman ang nagbabasa sa akin?
may pakialam ba sila sa tula ko't gawain?
madali lang naman nila akong balewalain
makatang laging tulala, na di dapat pansinin

nais ko lang sa manggagawa't bayan ay mag-ambag
ng kakayahan kong inaalay nang buong tatag
lalo na't bawat tula'y tulay sa pagpapahayag
upang bako-bakong daan ay tuluyang mapatag

maraming salamat sa lahat, maraming salamat
habang itinutula ko anumang madalumat

- gregoriovbituinjr.
04.28.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang elepante pala'y gadyâ

ANG ELEPANTE PALA'Y GADYÁ mga elepante'y nasa kalapitbansa  at nasa zoo lang sila doon sa Maynila subalit may katumbas sa sariling w...