Biyernes, Pebrero 28, 2025

Hila mo, hinto ko, sa tamang babaan

HILA MO, HINTO KO, SA TAMANG BABAAN

ilang beses ko nang / nababasa iyon
'Hila mo, hinto ko, / sa tamang babaan'
sintunog ng isang / kasabihan noon
'Buntot mo, hila mo' / sa aklat nalaman

madalas mabasa / sa nasasakyang dyip
bilin nilang iyon, / hilahin ang tali
kung nais pumara / at umibis ng dyip
kung sa pupuntahan / ay nagmamadali

mayroong iilaw / sa tabi ng drayber
o kaya'y tutunog / pag tali'y hinatak
pag nakita iyon / o dinig ng tsuper
agad nang titigil / kahit sa malubak

noon, sisigaw lang: / 'Sa tabi lang. Para!'
paano kung bingi / ang drayber na ito?
sinasanay tayo / sa teknolohiya
paunti-unti man / at di pa moderno

- gregoriovbituinjr.
02.28.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagkakalat at paglilinis

PAGKAKALAT AT PAGLILINIS nasita ang isa ngunit matindi ang kanilang sagutan na paksa'y hinggil sa pagkakalat sa ating kapaligiran: ...