Sabado, Enero 11, 2025

Pagbabasa sa gabi

PAGBABASA SA GABI

madalas sa gabi ako nagbabasa
pag buong paligid ay natutulog na
napakatahimik
maliban sa hilik
aklat yaong tangan habang nag-iisa

sa ibang lupalop ako naglalakbay
sa ibang daigdig ako nabubuhay
habang naririnig
ang mga kuliglig
sa ibang lupain ako'y nagninilay

bukas pagkagising, babalik sa mundo
at pakikibaka'y punong-puno rito
mahal ang bilihin
nagmumura ka rin
namamayagpag pa'y gahaman at trapo

nagbabasa ako hanggang hatinggabi
at inuunawa ang tagong mensahe
may planong kumatha
ng kwento't pabula
pag biglang inantok, tutulog na dine

- gregoriovbituinjr.
01.11.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Panalo ka pa rin, Alex Eala!

PANALO KA PA RIN, ALEX EALA! natalo ka man, panalo ka pa rin sa pusò ng madla't bayang magiliw sa ulat, dalawang kembot na lang daw at i...