Martes, Enero 14, 2025

Nilay sa munting silid

NILAY SA MUNTING SILID

nagninilay sa munting silid
dito'y di ako nauumid
bagamat minsan nasasamid
minsan may luhang nangingilid

kayraming napagninilayan
pawang isyu't paksang anuman
o kaya'y mga karanasan
pati hirap ng kalooban

sa mga sulatin ko'y paksa:
may hustisya pa ba sa bansa
para sa manggagawa't dukha
sa kababaihan at bata

bakit ba ang sistema'y bulok
at gahaman ang nasa tuktok
ito'y isang malaking dagok
ang ganito'y di ko malunok

kaya dapat pa ring kumilos
nang ganyang sistema'y matapos
wakasan ang pambubusabos
at sitwasyong kalunos-lunos

- gregoriovbituinjr.
01.14.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Hustisya kay Renee Nicole Good, raliyista!

HUSTISYA KAY RENEE NICOLE GOOD, RALIYISTA! bakit ba pinaslang ang isang raliyista kung trapiko lang ang sanhi kaya sinita dapat malaliman it...