Biyernes, Disyembre 27, 2024

Ingat sa paputok

INGAT SA PAPUTOK

kung maaari lang, huwag nang magpaputok
ng labintador o anumang umuusok
pag naputukan ka'y tiyak kang malulugmok
kalagayang iyan ba'y iyong naaarok?

kailan ba maling kultura'y mapaparam?
lalo't naputukan na'y animnapu't siyam
pag naputukan ka'y tiyak ipagdaramdam
sana'y walang maputukan ang aking asam

ayaw mo mang magpaputok ngunit ang iba
ay nagpapaputok, baka matamaan ka
nananahimik man ay nagiging biktima
buti pa'y walang magpaputok sa kalsada

kaysa magpaputok, tayo lang ay mag-ingay,
pag nag-Bagong Taon na, sa labas ng bahay
upang Lumang Taon ay mapalitang tunay
kaysa naman masugatan kayo sa kamay

iwasan nang magpaputok sa Bagong Taon
huwag nang mag-ambag sa mga itatapon
ang kalusugan ng kapwa'y isipin ngayon
pati na klima at nagbabagong panahon

- gregoriovbituinjr.
12.27.2024

* tula batay sa ulat sa pahayagang Bulgar, 27 Disyembre 2024, pahina 1-2

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Bagong Taon, Lumang Sistema

BAGONG TAON, LUMANG SISTEMA dumatal ang Bagong Taon, wala pa ring nagbago maliban sa petsa, hirap pa rin ang mga tao tingnan mo't bilihi...