Sabado, Oktubre 12, 2024

Limang ulat ng nagpatiwakal sa loob ng 18 araw

LIMANG ULAT NG NAGPATIWAKAL SA LOOB NG 18 ARAW
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa pahayagang Bulgar na madalas kong binibili, napansin kong marami ang nagpapatiwakal. Akala ko, nabasa ko na o naulit lang ang ulat, kaya hinanap ko. Hanggang matipon ko ang limang ulat. Sa loob ng labingwalong araw, may limang nagpakamatay.

Hindi ako sikolohista o psychologist, subalit ang isyung ito'y nakababahala. Noong kabataan ko, dumating din ako sa puntong nais kong magpatiwakal dahil sa kabiguan sa pag-ibig. Subalit dahil sa aktibismo, tumibay ang loob ko't paninindigan.

Tinipon ko ang limang balitang nabasa ko mula sa pahayagang Bulgar, mula Setyembre 20 hanggang Oktubre 7, 2024, o labingwalong araw. (Set.30 - Set.19 ay 11 araw, kasama ang Setyembre 20 sa bilang, kaya hindi Set.30-Set.20, plus 7 araw ng Oktubre.) Wala pang tatlong linggo. 

Batay sa mga ulat sa pahayagan, sila'y nagpatiwakal, maliban kung maimbestigahang may foul play. Dalawa sa balita ay magkasama sa isang pahina.

Isa-isahin natin ang mga balita, at sinipi ko rito ang ilang talata ng ulat:

Setyembre 20, 2024:

(1) 16-ANYOS NA ESTUDYANTE, TUMALON MULA 7TH FLR. NG TENEMENT, DEDBOL

Hinihinalang tumalon mula sa ikatlong palapag ng isang gusali ang isang 16-anyos na estudyante nang bumagsak sa isang parking lot sa Taguig City, kamakalawa ng gabi.

Ayon sa saksi, habang may ginagawa siya sa loob ng bahay ay may narinig siyang nahulog mula sa itaas ng tenement na inakalang malaking bagay ang nahulog at nang silipin ay nakita ang binatilyo na nakalugmok at duguan sa parking lot.

Inireport ng saksi sa kanilang barangay ang pangyayari at ipinaalam sa Taguig Police Sub-Station 2.

May hinalang tumalon ang binatilyo dahil wala naman itong ibang kasama.

Sa kuha umano ng CCTV sa lugar, nagtungo sa tenement ang biktima at ipinarada ang dalang bisikleta at nakitang may kausap sa cellphone.

Hindi umano residente ng tenement building ang binatilyo.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

(Ulat ni Gina PleƱago)

(2) TSERMAN, NAGBARIL SA ULO SA BRGY. HALL

Patay ang isang barangay chairman matapos magbaril sa ulo sa Brgy. Lumbangan, Nasugbu, Batangas.

Base sa ulat, alas-8:35 ng umaga habang nasa loob ng kanyang opisina sa barangay hall ang biktima nang makarinig ng isang putok ng baril ang mga kasamahan nito.

Tinungo nila ang opisina ng biktima kung saan pwersahan nilang binuksan ang pinto.

Laking gulat nila nang makitang nakahandusay at duguan ang biktima. May tama ito ng bala sa ulo gamit ang isang cal.45 baril na agad nitong ikinasawi.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon kung walang foul play sa insidente.

(Ulat ni Levi Gonzales)

Setyembre 26, 2024:

(3) BEBOT, TUMALON SA TULAY, PATAY

Nasawi ang isang teenager na babae matapos tumalon mula sa Bancal Bridge sa Brgy. San Gabriel, GMA, Cavite, kamakalawa ng hapon.

Ang biktima, na tinatayang nasa edad 12 hanggang 16, ay hindi pa nakikilala.

Mayroon siyang mahabang buhok at nakasuot ng pink na t-shirt at asul na jogging pants.

Sa pahayag ng saksi, alas-2:10 ng hapon, nagbibisikleta siya nang makitang nasa tulay ang biktima habang umiiyak at kinakagat pa ang kuko. Pero laking gimbal umano niya nang tumalon ang biktima kaya pilit pa niyang hinabol pero hindi na rin naabutan.

Sinusubukan pa rin ng mga otoridad na tukuyin ang pagkakakilanlan ng tinedyer at inaalam ang posibleng dahilan ng pagpapakamatay.

(Ulat ni Janice Baricuatro)

Setyenbre 27, 2024:

(4) KOLEHIYALA, 'DI NAKA-GRADUATE, NAGBIGTI

Isang kolehiyala ang nadiskubreng patay at nakabitin sa kanilang silid sa Brgy. Camohaguin, Gumaca, Quezon. Batay sa report, pasado alas-4 ng madaling araw nang bumulaga sa lola ang bangkay ng biktimang si alyas Rose, 23.

Agad na humingi ng tulong sa mga kinauukulan ang lola nito.

Posible umanong dinamdam ng biktima ang hindi niya pagkakasama sa pag-graduate sa kolehiyo, kung saan naging malulungkutin umano ito.

Wala namang nakitang foul play sa insidente.

(Ulat ni Levi Gonzales)

Oktubre 7, 2024:

(5) TATAY NAGBIGTI, DEDO
Nag-send sa anak ng selfie na may cord sa leeg

Patay na nang madiskubre ang 44-anyos na technician makaraang magbigti nitong Sabado ng gabi sa loob ng kanyang kuwarto sa Punta Sta. Ana, Maynila.

... alas-10:30 ng gabi nang madiskubre ni 'Reiner' ang ginawang pagbibigti ng biktimang si 'Edmund'.

Ani 'Reiner', yayayain sana niyang mag-inuman ang biktima nang paglapit sa kuwarto nito ay may masamang amoy dahilan para sumilip sa butas sa dingding at dito nakita ang nakabiting biktima gamit ang electric cord.

Ayon sa 17-anyos na anak ng biktima, nakipag-chat umano sa kanya ang ama noong Oktubre 3 kung saan nagpadala ito ng kanyang larawan na may nakapulupot na electric cord sa leeg at nag-iwan ng mensahe na "Magiging masaya na kayo pag wala na ako."

Binalewala umano ng anak ang mensahe ng ama dahil pangkaraniwan na umano ang ginagawa nitong pagbabanta na siya ay magpapakamatay.

(Ulat ni Mylene Alfonso)

Ilang punto:

Dalawa sa napaulat ay mga kabataan, ang isa'y edad 16 at ang isa pa'y tantiyang nasa edad 12 hanggang 16. Sila'y pawang kabataang tumalon mula sa mataas na lugar upang magpakamatay. Ang isa'y mula sa 7th flr ng isang gusali, habang ang isa'y sa isang mataas na tulay. 

Dalawa naman ang nagbigti. Ang isa'y dalagang 23 anyos na hindi umano naka-graduate kaya nagbigti, habang isa pa'y 44 na technician na nagbigti gamit ang electric cord.

Ang isa naman ay nagbaril sa ulo.

Ang dalawa sa ulat ay isang reporter lang ang nag-ulat habang tatlo pang reporter ang nakapagbalita.

Ilang pagninilay:

Masasabi ba nating biktima ang nagpatiwakal kung siya mismo ang nagpasiyang wakasan ang sarili niyang buhay? Kung siya ay biktima, sino ang suspek?

Bakit ba nagpapatiwakal ang isang tao? Dahil ba hindi na niya makayanan ang mga matitinding problema niyang nararanasan ay nais na lang niyang wakasan ang kanyang buhay? Paano inisip ng nagpatiwakal ang kanyang magulang, kapatid, anak, mahal sa buhay? Nabigo ba sila sa pag-ibig? Wala ba silang matalik na kaibigan o best friend na mahihingahan nila ng sama ng loob? Lagi ba silang mapag-isa? Wala ba silang kaibigan?

Anong nakita sa kanila ng kanilang kamag-anak, kaklase, guro, kaibigan, o kasama sa komunidad, bago sila magpakamatay? May senyales ba kung sinong magpapatiwakal? Paano ito mapipigilan?

Silipin natin ang una at ikatlong balita, na pawang kabataan ang nagpatiwakal.. Ayon sa unang ulat, "Sa kuha umano ng CCTV sa lugar, nagtungo sa tenement ang biktima at ipinarada ang dalang bisikleta at nakitang may kausap sa cellphone." At sumunod doon ay ang pagtalon mula sa 7th flr. ng isang tenement. Sino ang kanyang kausap? Ang pinag-usapan  ba nila ang siyang dahilan ng pagpapatiwakal?

Ayon naman sa ikatlong balita, "Sa pahayag ng saksi, alas-2:10 ng hapon, nagbibisikleta siya nang makitang nasa tulay ang biktima habang umiiyak at kinakagat pa ang kuko. Pero laking gimbal umano niya nang tumalon ang biktima kaya pilit pa niyang hinabol pero hindi na rin naabutan." Bakit siya umiiyak habang kinakagat ang kuko? Napagalitan ba siya ng magulang o hiniwalayan ba siya ng kanyang pinakamamahal?

Posible bang hindi napagbigyan ang hiling ng nagpatiwakal sa kanyang kausap kaya siya nagpakamatay? Posible bang nakipag-break ang kanyang kasintahan at hindi na niya nakayanan iyon kaya nagpakamatay? Wala sa mga ulat ang kasagutan.

Sa ikaapat na ulat naman, na kabataang 23 anyos ang nagpatiwakal, ay nakasaad: "Posible umanong dinamdam ng biktima ang hindi niya pagkakasama sa pag-graduate sa kolehiyo, kung saan naging malulungkutin umano ito." Hindi ba kinaya ng kolehiyala ang hindi niya pagkakasama sa graduation kaya naging malulungkutin siya? Nahihiya ba siyang humarap sa ibang tao, maging sa kanyang mga guro at kaklaseng naka-graduate kaya mas pinili niyang magpakamatay kaysa magpasyang sa susunod na taon na lang ga-graduate? Nahihiya ba siya sa kanyang lola, na nakakita ng kanyang bangkay, dahil pinag-aral siya nito subalit hindi siya naka-graduate? Hindi natin batid ang kasagutan.

Ang ikalawa'y kapitan ng barangay ang nagpakamatay. May kaugnayan kaya ang kanyang katungkulan kaya sa barangay hall pa siya nagpakamatay? Anong dahilan? Marahil, maitatanong ko'y nakadispalko kaya siya ng malaking salapi ng barangay na hindi niya maipaliwanag? Dahil kung usaping pampamilya naman, bakit sa barangay hall pa siya nagpatiwakal? Marahil may mas malalim na dahilan, kaya dapat itong imbestigahan.

Ang ikalimang ulat ay talagang may problema sa pamilya ang nagpatiwakal kaya planado at pinili nitong magpakamatay, na nag-iwan pa sa anak ng litratong may cord na nakatali sa leeg at ng mensaheng "Magiging masaya na kayo pag wala na ako." Nakakakilabot ang mensaheng iyon dahil tingin nito sa sarili'y pabigat lang siya sa pamilya, at marahil ay lagi pang sinisisi ng mga anak at asawa sa kanilang problema.

Sa pagbasa ko sa limang ulat na ito, na pawang nasa pahayagang Bulgar, nabubulgar na pawang pagdaramdam ang dahilan ng kanilang pagkamatay. Puso o damdamin ang nananaig, saka sumunod ang isip. Nagpasiya lang ang isip dahil hindi na kinakaya ng puso ang dinaramdam.

Kaya masasabi nating ang bawat pagpapatiwakal ay sariling pasiya ng nagpakamatay dahil hindi na kaya ng damdamin nila ang nararanasan at problemang kinakaharap. Kung gayon, paano sila mapipigilang magpatiwakal kung tingin nila'y wala nang solusyon sa kanilang dinaramdam. Paano ba maiiwasan ang pagpapatiwakal?

May maipapayo ba ang ating mga sikolohista sa ganito bago pa mahuli ang lahat? Paano ba makikita o ano ang mga senyales na magpapakamatay ang biktima at ang pasiyang pagpapatiwakal ay mapipigilan?

Kung ang intelligent quotient o I.Q. ay nasusukat, masusukat din kaya ang emotional quotient o E.Q. upang mabatid kung sinong kayang tumangan ng problema o sinong di kaya ang problema't marahil ay magpapakamatay?

ANG RA 11036 O MENTAL HEALTH LAW

Ang isyung ito ng pagpapatiwakal ay dapat talagang suriin at pag-aralan, lalo na ngayong mayroon na tayong Mental Health Law o ang Republic Act 11036. Nabatid ko ito nang makadalo ako sa forum na Orientation and Awareness on Mental Health and Well-Being, na inilunsad sa Room Pardec A and B, ng Commission on Human Rights (CHR) noong Mayo 31, 2024 mula ikasiyam ng umaga hanggang ikaapat ng hapon. Pinangunahan ang aktibidad na ito ng Freedom from Debt Coalition (FDC) at ng Medical Action Group (MAG). Naging matingkad sa akin ang tinalakay ni Mam Ces De Joya, program manager ng MAG, ang sesyon sa pamamagitan ng paggamit ng metacard. Tinanong niya kami. Isulat kung saan ka masaya? At sa isa pang metacard, saan ka malungkot?

Tumimo sa aking diwa ang ikinwento niya hinggil sa isang estudyanteng babae, na sumagot din sa gayong metacard. Ang sagot ng bata, "Masaya siya pag kasama niya ang nanay niya, at malungkot siya kung wala ang nanay niya?" Marahil iisipin ng iba, mama's girl ang bata. Subalit nag-imbestiga ang mga nagtanong. Ang sagot ng bata, masaya siya pag kasama ang nanay niya, dahil pag wala ang nanay, ginagalaw pala siya ng tatay. Nakakalungkot na salaysay.

Binalikan ko ang aking kwaderno, at tinalakay din sa forum na iyon ang isyu ng Understanding the Mental Health and Well-being;  Defining Mental health and well-being;  Type of stress, coping and defense mechanism; State of mental health; at Negative effect on mental health condition: Compassion fatigue, Vicarious trauma and Burn-out.

Sa isyu ng pagpapatiwakal, may maitulong sana ang nasabing Batas Republika 11036 o Mental Health Law upang maiwasan ang ganitong desisyon ng pagpapatiwakal, lalo na't ilan sa nagpatiwakal, ayon sa ulat sa Bulgar, ay mga kabataan.

Ang isyung ito'y ginawan ko ng tula bilang pagninilay:

LIMANG ULAT NG NAGPATIWAKAL SA LOOB NG 18 ARAW

sa ulat, lima'y nagpakamatay
sa loob ng labingwalong araw
bakit pinugto'y sariling buhay?
ang mundo na ba nila'y nagunaw?

hilig kong magbasa ng balita
ngunit ako na'y nababahala
kayraming krimen sa ating bansa
kayraming dinaanan ng sigwa

umaga pa, ako na'y bibili
ng dyaryo sa newsstand o istante
na babasahin ko lang sa gabi
o habang nagpapahinga dine

bakit ba nagpatiwakal sila?
ito ba'y basta nilang pasiya?
di ba nila danas ang sumaya?
di kinaya ang problema't dusa?

kumpara sa intelligent quotient
na nilulutas ang suliranin
nagpatiwakal ba kung isipin
kaybaba ng emotional quotient?

mababatid ba natin kung sino
ang balak magpatiwakal dito?
paano mapipigilan ito?
may magagawa pa kaya tayo?

10.12.2024

* ang mga ulat at litrato ay kuha ng makatang gala mula sa pahayagang Bulgar

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dagdag dugo muli

DAGDAG DUGO MULI mababa na naman ang kanyang hemoglobin  di pa abot ng otso, nasa syete pa rin dapat ay dose, ang normal na hemoglobin  kaya...