Sabado, Abril 11, 2020

Sa kabilugan ng buwan


Sa kabilugan ng buwan

kailangang lumabas upang makita ang full moon
subalit kayginaw sa labas, baka magkapulmon
saglit lang lumabas upang mapiktyuran ang full moon
bago pa isang bakunawa ang dito'y lumamon

masarap tumigil sa labas, titigan ang buwan
huwag lamang magkasakit, sakaling maambunan
suutin ang balabal kung lalabas ng tahanan
upang di sipunin, maingatan pa ang katawan

O, kaysarap pagmasdan ng buwang bilog na bilog
tila ba abot mo na ang pangarap na kaytayog
may diwata kaya roon, na dito'y papanaog
umaawit habang alpa'y kanilang tinutugtog

noong isang gabi lamang nang lumitaw ang buwan
na tila bagong pag-asa ang kaharap ng bayan
nananalasang sakit sana'y ating maiwasan
umaasam na isang bagong umaga'y daratnan

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dagdag dugo muli

DAGDAG DUGO MULI mababa na naman ang kanyang hemoglobin  di pa abot ng otso, nasa syete pa rin dapat ay dose, ang normal na hemoglobin  kaya...