DALAWANG AKLAT NA PUMAPAKSA SA KALUSUGAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Pagkagaling ko sa ospital kanina nang dinalaw ko si misis na nakaratay sa banig ng karamdaman, ako'y lumisan doon bandang tanghaliang tapat.
Mula sa ospital ay sumakay na ako ng dyip puntang Gateway sa Cubao. Naglakad hanggang makarating sa Book Sale sa gilid ng Fiesta Carnival. Pumasok ako doon at agad na bumungad sa akin ang aklat na "40 Days of Hope for Healthcare Heroes" ni Amy K. Sorrells, BSN, RN. Ang RN ay registered nurse.
Naintriga ako sa mga salitang "Healthcare Heroes" lalo na't nasa ospital si misis na pinangangalagaan ng mga doktor at nars.
Isa pang aklat ang nakatawag pansin sa akin dahil sa nakasulat na A. Molotkov Poems, at agad isinama ko sa binili dahil bilang makata, nais kong basahin ang mga tula ng di ko kilalang awtor. Pag-uwi ko na sa bahay, saka ko na napansin ang pamagat, "Future Symptoms". Batid kong ang salitang symptoms ay may kaugnayan sa health o kalusugan.
Sa blurb nga sa likod ng aklat na ito ay nakasulat: In this stirring collection of poetry, A. Molotkov considers a country on the brink of collapse, plagued by virus and violence, haunted by history, asking of himself - and us - "How do I move / with my love / caught in concrete... How do I sing with all / this past / in my lungs?" Muli, tinukoy sa blurb ang dalawang salita: virus at lungs, na tumutukoy sa kalusugan at paghinga ng tao.
Ang "40 Days of Hope for Healthcare Heroes", may sukat na 5" x 7", at naglalaman ng 176 pahina (12 ang naka-Roman numeral), ay nagkakahalaga ng P130 habang ang "Future Symptoms: A. Molotkov Poems", may sukat na 6" x 9", at naglalaman ng 118 pahina, ay nagkakahalaga naman ng P70. Kaya bale P200 silang dalawa.
Marahil nga'y di ko bibilhin ang dalawang libro kung malakas si misis at wala sa ospital. Subalit nahikayat akong bilhin dahil sa kanyang kalagayan, at dahil na rin sa paksa hinggil sa kalusugan. Batid kong marami akong matututunan sa mga aklat na ito.
Nais ko silang basahin dahil sa isa na namang yugto sa buhay naming mag-asawa ang bumalik uli kami sa ospital. At ang mga librong ito'y tila ba nagbibigay sa akin ng pag-asa. Lalo na't noong panahon ng pandemya, maraming bayaning frontliners na dapat saluduhan.
pumapaksa nga sa kalusugan
ang dalawa kong nabiling aklat
na tagos sa puso ko't isipan
na talagang makapagmumulat
noong panahon pa ng pandemya
ang naririto nga'y pinapaksa
nars at doktor, bayani talaga
kinatha pa'y sanaysay at tula
bumulaga nga agad sa akin
sa Book Sale yaong nasabing libro
kaya di nag-atubiling bilhin
dagdag kaalaman pang totoo
"40 Days of Hope for Healthcare Heroes"
at "Future Symptoms: A. Molotkov Poems"
tiyak na maraming makakatas
pag binasa ko sa libreng oras
04.06.2025