Miyerkules, Disyembre 3, 2025

Naharang bago mag-Mendiola

NAHARANG BAGO MAG-MENDIOLA

naharang bago mag-Mendiola
matapos ang mahabang martsa
mula Luneta sa Maynilà
araw ng bayaning dakilà

subalit di kami natinag
mahaba man yaong nilakad
mga barb wire ang nakaharang
container pa'y nakahambalang

takot na ang mga kurakot
bantay saradong mga buktot
habang masa'y nagsidatingan
kurakot, ikulong! hiyawan

"PNP, protektor ng korap!"
at mga trapong mapagpanggap
sigaw iyon ng masang galit
mga kurakot na'y ipiit

- gregoriovbituinjr.
12.03.2025

* bidyo kuha noong 11.30.2025
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1GYjGbj1yK/ 

Buti't may tibuyô

BUTI'T MAY TIBUYÔ

kulang ang pamasahe kahapon
mula Cubao patungong Malabon
upang daluhan ang isang pulong
buti't nagawang paraan iyon

di ako nanghingi kaninuman
di rin nakabale sa sinuman
talagang walang mahihiraman
buti't mayroong mapagkukunan

sa aking tibuyô o alkansya
na pinag-iipunan tuwina
doon muna nanghiram ng pera
dagdagan na lang pag umalwan na

minsan ganyan ang abang makatâ
upang marating pa rin ang madlâ
sa pulong na dinaluhang kusà
di umabsent sa misyong dakilà

- gregoriovbituinjr.
12.03.2025

* ang tibuyô ay salitang Batangas sa Kastilang alkansya

Paglahok sa rali

PAGLAHOK SA RALI

bakit di ka pupunta sa rali?
dahil lang wala kang pamasahe?
kung ako, sisimulang maglakad
nang makarating at mailadlad
ang plakard na laman yaong isyu
ng bayan, at makalahok ako
sa rali, wala mang pamasahe
gagawan ng paraan, ganire
o ganyang sanhi, walang alibay
lalakarin ang mahabang lakbay
mahalaga ang prinsipyong tangan
pamasahe'y gawan ng paraan
mahalaga'y lumahok sa rali
kahit kapos pa sa pamasahe
ikulong na 'yang mga kurakot!
lahat ng sangkot, dapat managot!

- gregoriovbituinjr.
12.03.2025

* kasama sa litrato si David D'Angelo, dalawang beses na tumakbong Senador
* salamat sa kumuha ng litrato, kuha noong 11.30.2025 sa Luneta

Bahâ sa Luneta, 11.30.2025

BAHÂ SA LUNETA, 11.30.2025

bahâ sa Luneta
ng galit na masa
laban sa kurakot
at lahat ng sangkot

bumaha ang madlâ
upang matuligsâ 
yaong mga buktot
na nangungurakot

sa kaban ng bayan
imbes paglingkuran
ang masa, inuna
ay sariling bulsa

ikulong ang lahat
ng trapong nabundat
sila'y panagutin
sa ginawang krimen

ang nakaw na pondo
ibalik sa tao
trapong mandarambong
ay dapat ikulong

- gregoriovbituinjr.
12.03.2025

* ang litrato'y kuha ng makatang galâ

Martes, Disyembre 2, 2025

Hapunan ko'y potasyum

HAPUNAN KO'Y POTASYUM

taospusong pasasalamat
sa nagbigay nitong potasyum
tiyak na rito'y mabubundat
bigay mula sa isang pulong

dalawang turon ang narito
at dalawang tila maruya
kailangan talaga ito
ng katawan kong kaynipis nga

pampalakas daw nitong puso
pati na ng mga kalamnan
pangontrol ng presyon ng dugo
pabalanse rin ng katawan

kaya di na ako nagsaing
di na rin bumili ng ulam
dahil sapat na itong  saging
na sa gutom ko'y nakaparam

salamat sa potasyum na bigay
sapagkat may panghapunan na
upang makakatha pang tunay
ng tulang tulay ko sa masa

- gregoriovbituinjr.
12.02.2025

Ano ang lihim ng kalihim o sekreto ng sekretaryo?

ANO ANG LIHIM NG KALIHIM O SEKRETO NG SEKRETARYO?

ano nga ba ang inililihim
ng kalihim, o ng sekretaryo?
salitang sadyâ bang isinalin
ng direkta, lihim at sekreto?

kung nagpi-preside ay presidente
dahil ang pangulo ang pang-ulo
nasa katawagan ang mensahe
nasa salitâ kung sila'y sino

tulad ko, sekretaryo heneral
ng dalawa kong organisasyon
iyan ang titulo nang mahalal
sa samahang may bisyon at misyon

magtago ng lihim ang kalihim
na may kinalaman sa samahan
mangalap ng datos na malalim
mga isyu't problema ng bayan

may sekreto rin ang sekretaryo
na sadyang kapaki-pakinabang
yaong pagsusulat ng minuto
kaalaman ng masa'y malinang

marami pang lihim ang kalihim
mga sekreto ng sekretaryo
bakit kaya siya naninimdim?
masakit ba'y ang pusò o ulo?

- gregoriovbituinjr.
12.02.2025

Nagkamali ako ng bayad, buti't ang konduktor ay tapat

NAGKAMALI AKO NG BAYAD, BUTI'T ANG KONDUKTOR AY TAPAT

Akala ko'y baryang P20 + P5 + tatlong P1 equals P28 ang aking ibinayad sa konduktor. Buti't honest siya. Binigyan niya ako ng P5 sukli. Nagtaka ako.

Sabi niya, binigay ko'y P33. At P28 lang ang pamasahe mula Monumento hanggang Cubao. Ang naibigay ko pala'y P20 + P10 + tatlong P1 equals P33. Imbes P5, ang naibigay ko pala'y baryang P10.

Nalitô ako roon, ah. Nagawan ko tuloy ng tulâ ang karanasang ito:

salamat sa konduktor na tapat
binalik ang limang pisong labis
di kasi ako naging maingat
dahil nagbabayad ng mabilis

bus carousel mula Monumento
hanggang Cubao Main ang pamasahe
ay dalawampu at walong piso
ngunit sobra ang bigay ko, sabi

naibigay ko'y trenta'y tres pesos
imbes na bente otso pesos lang
katapatan niya'y nakamenos
sa pamasahe, di mapanlamang

maraming namatay sa akala
limang piso pala'y sampung piso
kaya sobra'y binalik na sadya
nagkamali ng akala ako

kaya taos na pasasalamat
ang sa kanya'y ipinaaabot
dapat gantimpalaan ang tapat
buti't di siya trapong kurakot

- gregoriovbituinjr.
12.02.2025

Antok pa si alagà

ANTOK PA SI ALAGÀ

puyat pa, antok na si alagà
lalo't gising siya buong gabi
marahil sa paghanap ng dagâ
tulog muna, ang sa kanya'y sabi

marahil di pa rin siya gutom
pagkain niya'y tinabi muna
mga natira ko sa galunggong
na talaga namang gusto niya

sige lang, ikaw muna'y matulog
at maghabi ka ng panaginip
ano kayang magandang ihandog
na tula't wala pang nalilirip 

ako'y patuloy lang sa pagnilay
sa samutsaring isyu ng bayan
bakit bayan ay di mapalagay?
sa laksng kurakot at kawatan!

- gregoriovbituinjr.
12.02.2025

mapapanood ang munting bidyo sa kawing na:  https://web.facebook. com/share/r/1BiHkwrVuT/

Lunes, Disyembre 1, 2025

Dating plakard, petsa lang ang binago

DATING PLAKARD, PETSA LANG ANG BINAGO

dating plakard na gamit ng Nobyembre
na binago lang, ginawang Disyembre
di pa rin nagbabago ang mensahe
ikulong na ang korap na salbahe

wala pa kasing napaparusahan
na nangurakot sa pondo ng bayan
baka Pasko'y wala pa sa kulungan
silang mga namburiki sa kaban

paghandaan nati'y magandang bukas
itayo ang isang lipunang patas
kung saan ang tao'y pumaparehas
wala nang trapong sa bayan naghudas

Disyembre na, wala pang napipiit
patuloy na pag-alabin ang galit
ng masa sa korap na nang-uumit
sa pondo ng bayan, buwis at badyet

- gregoriovbituinjr.
12.01.2025

Disyembre na, walâ pang nakukulong na kurakot

DISYEMBRE NA, WALÂ PANG NAKUKULONG NA KURAKOT

Disyembre na, walâ pang nakukulong na kurakot
baka mag-Pasko tayong ngingisi-ngisi ang buktot
masasaya pa rin silang ang mundo'y nililibot
habang masa'y naghihirap pa rin, nakalulungkot

kasya ba ang limangdaang piso sa Noche Buena?
gaya ng ipinapayo ng gobyerno sa masa
habang silang mga kabilang sa oligarkiya
may pitong daang libong piso bawat kain nila

pondo na ng bayan ang binuriki ng kawatan
sana ngayong DIsyembre bumigwas muli ang bayan
International Anti-Corruption Day, December 9
upang singilin ang mga pulitikong gahaman

dahil sa mga kurakot, nalulunod sa bahâ
ang mga kababayan nating nagdurusang lubhâ
dapat managot sa bayan ang mga walanghiyâ
dapat pagpalit ng sistema'y paghandaang sadyâ

mag-Paskong nagrarali sa Mendiola, paskong tuyó
hangga't walang makulong na korap ay di susuko
ang bayan upang panagutin ang mga hunyangò
at korap, pati na kanilang pinakapinunò

- gregoriovbituinjr.
10.03.2025

Naharang bago mag-Mendiola

NAHARANG BAGO MAG-MENDIOLA naharang bago mag-Mendiola matapos ang mahabang martsa mula Luneta sa Maynilà araw ng bayaning dakilà subalit di ...